Sulat ng Tatay

Tatay

Today is Father’s Day. It had been too many years since he died. While I chose to believe I knew him well, like the rest of us who he left behind, I didn’t.

I planned to search and try to talk to whoever knew him better, and try to find whatever I could find, so I finally can tell his story, to myself. But like the rest of my plans, it just remained there, sitting in what should have been.

Aside from the memories, and the few remaining pictures of him, here is what I have left of him. The only remaining proof of his tattered and challenging life, and  the only letter he ever made to me.

I miss you Tay.

* * * * *

Sep. 28, 1997

Ross,

1936. Grade 1 ako noon. Mahirap ang buhay namin. Walo kaming magkakapatid. Ikaapat ako. Grade 2 ako ng maulila sa ina. Pumasok ako ng Grade 3 pero nag-asawa uli ang tatay. Ang Kuya Fortunato at Kuya Cetong ay nagbabangka at ang Kuya Luming ay sa iba nakatira kaya bali ako ang matanda sa bahay, pero halos araw-araw ay pinupuntahan kami ng tatay at dinadalhan ng pagkain.

Siguro siyam na taon ako ay nagbabangka na rin ako at ang kinikita ko ay inilalaan ko lahat sa pagkain at kailangan sa bahay dahil ang Kuta Tatung (Fortunato) at Kuya Cetong ay hindi masyadong maasahan.

1940. Nagka giyera at nawala ang Kuya Fortunato at namatay ang sumunod sa akin (Dominador). Nag-asawa ang Kuya Cetong at ako na lamang ang inaasahan halos ng maliliit kong mga kapatid. Noong panahon ng Japones (Hapon) ay pumupunta ako sa Mindoro para mag-ani ng palay at kahit ako bata pa ay talo ko pa iyong ibang matatanda sa pag-aani ng palay kaya naka-iipon din ako ng ilang kaban (sako) ng palay at nadadala sa isla. (Binabayo lamang noon ang palay para maging bigas)

1943. Nasa Mindoro ako noon ay pinipilit ako ng mga gerilyang sumama sa bundok at umanib sa kanila pero sinabi kong ako lamang ang inaasahan ng maliliit kong kapatid. Si Gabino at Corazon ay nakapag-aral hanggang Grade 6 at si Baler ay Grade 4. Si Corazon ay nakita rin ng iyong ina.

Magtatapos ang 1944 ay nagbangka ulit ako at 1945 ay ako na ang Arayes (Kapitan) at naghahawak ng perang kinikita. Magtatapos ang 1945 ay may Amerikanong pilit akong sumama sa kanya sa barko para isama sa Amerika pero hindi ko maatim na iwanan ang aking mga kapatid dahil noong panahong iyon ay ako halos ang kanilaang inaasahan.

Patuloy akong nagbibiyahe (nagbabangka), layag lamang ang nagpapatakbo (Wala pang makina noon). Noong gabi ng June 2, 1947, ay nagising akong nasa laot (gitna ng dagat). Hindi ko alam na ako’y pinaslang. Kaya ko lamang nalaman ay noong nasa Mindoro na ako pagkalipas ng ilang linggo, may sugat ako sa ulo at kilay. Mga alas 10:00 ng gabi noon at nagpapalutang lamang ako sa dagat. Umaga kinabukasan ang kalkulasyon ko’y makararating ako sa Oson, Isla Verde.

Pero makalipas ang ilang sandali ay natanaw ko ang barko na sa akin nakaharap. Lumangoy akong paiwas at ng malapit na ay sumigaw ako nakataas ang dalawang kamay. Sigawan ang mga pasahero. Akala ko’y hindi ako sasagipin dahil nilampasan ako, pero ibinalik ang barko at ako’y sinagip. Papuntang Bisaya ang barko at iniwan sa kampo ng P.C. sa Romblon. At ng bumalik ang barko ay isinama ako pa Maynila.

Ang barko ay General Del Pliar ng General Shipping Company, ngayo’y Aboitiz. Madilim pa noong June 7, 1947 ng kuhanan ako ng litrato pero noong araw na iyon ay nasa headline ako ng Manila Times at bandang alas 9:00 ng araw na iyon ay kinuha na ako sa barko ng custom. Nasa indamyo na kami ng masalubong ang Manong Vicente Mendoza at kinausap iyong taga Custom at pumayag na maisama ako ng Manong Ente bilang custody (Nabasa sa dyaryo).

Noong mangyari ang sakuna ay galing lamang kami sa Isla at may nakisakay sa aming isang tao at sya’y hindi na nakita. (Pinatay). Tumigil ako sa Isla dahil may sugat pa ako pero gusto akong patayin noong dalawang kapatid. Naghihinala silang ako ang pumatay sa kanilang kapatid. Halos lumuhod sa akin ang Tiya Loleng para ako’y umalis sa Isla pero hindi ako umalis, matibay ang pananalig ko sa Panginoon na hindi nya ako pababayaang mapahamak dahil wala akong kasalanan.

Makalipas ang ilang linggo, dumating ang Tiyo Gela (asawa ng Tiya Zoleng) galing Bulalacao at syang nagbalita na iyong pumaslang sa amin ay sa kanya nakatira sa paligawan ng baka sa Bulalacao. Buong buo na ibinalita sa kanya na ako ang unang pinatay bago iyong isa. Napakaramo kong nainom na tubig dagat at kaya ako nagkamalay ay ng mabasa ng tubig.

Nahuli rin iyong pumaslang sa amin at ng nasa Calapan Jail na ay isinama ako noong ama ng namatay at ng makita ako ng pumaslang sa amin ay parang ibinabad sa suka, putlang putla at hindi makakibo halos. Labis sigurong nagtaka at ako’y buhay pa. Nahatulan din siya ng 12 taon hanggang 16 taon.

Simula noon ay sa Calapan na ako naghahanap ng pagkakakitaan. At nag kutsero ako at nagkakargador sa Pier sa madaling araw. Noon ay alas 4 ng umaga ang byahe ng barko pa batangas. Napakahina ng kita kaya kaya ako’y nagpunta uli sa Maynila para doon maghanap ng trabaho.

Noong wala pa akong trabaho ay sa Pier 2 at 4 (North Harbor) ay nagkakargador ako pag may umaalis at dumarating. Minsan nga’y napag-initan pa ako ng ibang kargador doon at nang may pasan akong kargada ay sinalubong ako noong isa. Ibinaba ko ang aking dala at hinarap ko sya at ng sumugod sa akin ay dinakot ko sya at ibinalibag ko siya sa puno ng indamyo. Dumating ang Hepe nila at tinanong ako kung bakit nagkakargador ako doon ay hindi naman ako kasapi sa kanila. Ang sagot ko ay wala akong mapasukang ibang hanap-buhay at tinanong ako kung taga-saan. Sinabi kong taga-Batangas ako. Taga batangas pala iyong Hepe at sinabi na lang na pag nakakita ako ng ibang trabaho ay huwag na akong makiagaw sa mga kargador doon. At sabi pa’y pinahanga ko siya pagkat iyon palang sumugod sa akin ay isa sa pambato nila doon.

Pagkatapos ay lumapit sa akin iyong nagtitinda sa puno ng indamio ng kung anu-anong biscuit, tinapay, sari-sari na tumulong na lamang ako sa kanya. Maganda naman ang bigay sa akin. Halos 1/3 ng kita ang bigay sa akin. Isang araw, ay may nagkabit ng rehas sa mga bintana sa bahay na tinitirhan namin ay tumulong ako. Nagustuhan ako at pinagtrabaho ako sa iron work. Nasa Soler, malapit sa Evangelista (Quiapo) pero apat na araw pa lamang doon ay dumating ang balita na namatay ang tatay. Hindi ko na rin aabutan ang bangkay kahit ako’y umuwi kaya nagtiis na lang ako at nagsimba sa Quiapo. Sa Balut kami nakatira noon. Kasabay ni President Garcia ng namatay ang tatay, 1948.

Ilang araw at umuwi na ako at sa Calapan na ako nagtrabaho bilang katulong sa gilingan ng palay. Ilang buwan at makinista na ako at kung minsan ay pina eextra ako sa malaking gilingan (konohan). Patuloy akong makinista ng magkakilala kami ng iyong ina hanggang kami’y naging mag-asawa noong 12/24/1949.

Nag-asawa akong sarili kong ipon ang ginastos. Nanghiram ako ng kaunting pera sa Isla at para may reserbang kaunti. Hindi ako humingi ng tulong kahit sa Kuya Cetong na noo’y nasa Wawa.

Noong una, pag mahirap ka ay parang under ka sa lahat ng may kaya sa buhay. Ngunit kahit bata pa ako ay hindi ako naging malapit sa kapwa. Pakiramdam ko’y ilalim din ako dahil mahirap nga ang buhay namin.

Kauna-unahang napalaban ako sa kapwa ay papasok kami sa school. Umaga, Grade 1 nahampas ko ang kalaban at puro putik ang suot nyang damit (na puti). May kaya sa buhay. Binantaan akong isusumbong sa kanyang ama. Ang sabi ko’y magsumbong sa nuno nyang nabulok. Simula noon, ay ilag na sa akin ang mga kaeskwela ko dahil malaki sa akin ang nakalaban ko.

Hindi maiwasang mapalaban ng suong o kaya suntukan at laging sumusuko sa akin ang kalaban hanggang tagurian akong Kunat. Si nenat ay tinawag na Kunat pero wala nakakaalam sa Naujan na iyon ang tawag sa akin noong maliit pa ako.

Liberation noon maraming may baril. Kung minsan, ay may nagbabanta sa Tatay na babarilin. Ang nagbabanta ay lihim kong pinupuntahan at hinahamon ko ng away.

Isang araw, sa may bumbang tubig sa Bayanan ay napalaban ang Tatay. Marami ang nag-awat ng ako’y dumating, may kaya sa buhay ang kalaban ng tatay. Pero ng maghihiwalay na ay pang talunang ipinagtabuyan ang Tatay at pinalo pa sa puwit ng maliit na sanga ng kahoy. Pakiramdam ko’y api-apihan ang Tatay. Sa loob ko’y may araw din sila sa akin. At isang araw ay natiyempuhan iyong isa at hinampas ko sa ulo ng matigas na kahoy at tumakbo na akong palayo.

Simula noon ay lagi akong may taklis na gulok at sabi ko sa ibang tao, pag ako’y sinaktan nila ay mabuti pang tuluyan na nila ako pagkat kung hindi ang mga kamag-anak nila ang aking idadamay.

At isang araw nga ay naglalaro ako ng pol ay nahuli ako ng aking pinalo at nasalikop ang kamay ko sa likod. At sinabing wag akong mag-alala at wala na sa kanya ang nangyari. Kalimutan ko na raw at hindi naman sila galit sa akin. Simula noon, iba na ang trato ng mga kapit-nahay maging ng ibang tao.

Simula ng nasa Calapan na ako nagtratrabaho ay umiiwas na ako sa kapwa. Pagkatapos ko ng trabaho ay maaga akong matulog at nagbabasa na lamang ako ng komiks. Bihirang bihira akong lumabas sa kabayanan. Nang umalis ako sa gilingan ay nagkargador ako sa truck at makalipas ang isang taon ay kumuha ako ng driver’s license.

Mag-asawa na kami noon at ilang linggo ay nag drive na ako sa Weapon, pang pasahero. 1952 malaking truck na ang minamaneho ko. hanggang masilab ang mga wiring noon. 1953 nagpunta uli ako sa Maynila at nag boundary ako ng dyip pero napakahina ng pagkita. Kulang na tatlong buwan ako doon. Nagbalik ako sa Calapan at noong June 1953 at sa Naujan na kami tumira.

Hindi nagtagal at sa sawmill na ako nagtrabaho sa Putol na Bato sa Hulo ng Socorro. Hindi nagtagal at sa Calapan Lumber na ako at kargahan ng troso at Lumber (tabla) ang minamaneho ko. Hanggang dito na lang at kumusta sa inyong lahat diyan. Halik sa aking apo.

Ang Iyong Tatay

Tatay Letter 1 Tatay Letter 2

Dreams of Ma
We, Always

Leave a Comment

Thanks for downloading!

Top